Pulis patay sa pamamaril ng riding-in-tandem sa Quezon City

Patay ang isang pulis makaraang barilin ng riding-in-tandem malapit sa headquarters ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, Quezon City, Biyernes ng umaga.

Ayon sa mga imbestigador, kinilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Fernando Diamzon, 49-anyos at miyembro ng PNP-Intelligence Group.

Batay sa ulat ng Cubao Police Station ng Quezon City Police District (QCPD), nakasakay si Diamzon sa kaniyang asul na Yamaha NMAX nang pagbabarilin ng mga gunman sa bahagi ng Col. Bonny Serrano Avenue, Barangay Bagong Lipunan bandang 8:50 ng umaga.

Nakasuot ng itim na helmet ang mga suspek at nakasakay sa kulay gray na Yamaha NMAX.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng hindi pa alam na baril.

Mabilis namang nakatakas ang mga responsable sa krimen.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa pamamaril.

Read more...