Arestado sa simultaneous anti-criminality and law enforcement operations (SACLEO) ng Caloocan Police sa buong magdamag ang apat na drug suspek kabilang ang dalawang menor de edad.
Ayon kay Caloocan Police chief Pol. Col. Noel Flores, unang nahuli sa Oplan Galugad ang isang 13-anyos na binatilyo at nakuhaan ito ng 35 gramo ng shabu.
Itinuro ng binatilyo ang kanyang pinagkukunan ng shabu na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong iba pang suspek kabilang ang isa ring 17-anyos na binata.
Ayon sa 13-anyos na binatilyo, inuutusan siya ng tatlo na maging taga-abot ng ibinebentang mga droga.
Ang dalawang kasama ng 17-anyos na binata ay nakilalang sina Solaiman Mulituba at Abulkhir Marimba.
Nagturo rin ang tatlo sa pinagkukunan nila ng shabu ngunit nang puntahan ng pulis sa bahay ang itinurong suspek ay nakatakas ito.
Bago makatakas ang hindi pa nakikilalang suspek, may hinagis ito sa bubong ng bahay.
Siniyasat ito ng mga pulis at tumambad ang P800,000 cash.
Samantala, isang pulis ang nabaril sa paa ng tumakas na drug suspek at narekober ang isang kalibre .38 na baril.
Mahaharap ang mga nahuling suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.