Naganap na ang kauna-unahang pagbisita ng isang Chinese president sa North Korea sa loob ng 14 na taon.
Ito ay makaraang dumating si Chinese president Xi Jinping sa Pyongyang kahapon, June 20, para sa kanyang dalawang araw na state visit at nakapulong si North Korean leader Kim Jong-un.
Ikalimang pulong na ito ng dalawa ngunit unang beses pa lamang na sa North Korea nangyari.
Libu-libo katao ang sumalubong kay Xi sa pagdating nito sa Pyongyang kung saan makikita ang mga ito na nagwawagayway ng mga bulaklak at banners.
Inaasahan namang mapag-uusapan ng dalawang lider ang naunsyaming negosasyon ng US at North Korea ukol sa denuclearization ng Korean Peninsula.
Matatandaang may sanctions na ipinatutupad laban sa Pyongyang dahil sa nuclear weapons nito.
Samantala, ang pagdating ni Xi sa North Korea ay ilang araw lang bago ang nakatakda nitong pulong kay US President Donald Trump sa G20 Summit sa Japan.
Ang China ay may hinaharap ding trade war laban sa US.