Kapa members nagsagawa ng rally sa iba’t ibang bahagi ng bansa

Nagsagawa ng rally sa iba’t ibang bahagi ng bansa, araw ng Huwebes, ang libu-libong miyembro ang Kapa-Community Ministry International Inc.

Umaapela ang mga miyembrong sekta sa gobyerno na payagan ang kanilang operasyon at hayaan silang magbahagian ng biyaya.

Sa Quezon City Memorial Circle, nasa 5,000 miyembro ng Kapa mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon ang nagtipon-tipon para igiit sa pangulo na hindi sila kaaway.

Ayon kay Danilo Mangahas, convenor ng sekta, hindi iligal ang kanilang operasyon.

Inaayos na umano ng kanilang mga abugado ang mga isinampang kaso laban sa Kapa.

Sinabi ni Mangahas na ang rally kahapon sa QCMC ay ang pinakahuli na sa Luzon dahil itutuon na nila ang kanilang atensyon sa mga usaping ligal.

Bukod sa Quezon City, may serye rin ng mga pagkilos na isinagawa sa Valencia City, General Santos City, Kidapawan City at Tagum City sa Mindanao.

Ayon kay Kapa coordinator Bong Encarnacion, hindi sila hihinto sa pag-apela sa awa ng pangulo dahil ang pagpapatigil sa kanilang operasyon ay nakakaapekto sa mahihirap.

Ipinahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng Kapa dahil isa umano itong investment scam.

 

Read more...