Sa isang pahayag, sinabi ni Binay na unang insidente ng pag-abandona ay ang pag-iwan ng Chinese crew sa mga mangingisda sa West Philippine Sea at pangalawa ang kabiguang magbigay ng “considerable attention.”
Inilabas ni Binay ang pahayag matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang maliit na maritime accident ang banggaan sa Recto Bank.
Ayon sa senador, mahirap paniwalaang aksidente ito dahil maraming beses na itong nangyari kung saan hindi lamang mga Pinoy na mangingisda ang biktima.
Nakalulungkot aniyang natatabunan ng mga pahayag ng China ang mga testimonya ng mga mangingisda.
Aniya pa, “inhumane” at “unacceptable” ang pag-iwan ng mga Chinese crew sa mga Pinoy na mangingisda matapos ang insidente sa West Philippine Sea.
Malinaw aniya ang nakasaad sa United Nations Convention for the Law of the Sea (UNCLOS) ang responsibilidad ng kapitan ng barko sa pagsagip sa “distressed” vessel.
Dahil dito, ipinahiwatig ni Binay na kailangang tawagin ang atensyon ng Chinese government para papanagutin ang responsable sa insidente.
Hindi aniya dapat tanggapin ito bilang aksidente lamang dahil ipinapakita nito kung paano pangalagaan ang mga mamamayang Filipino.