Sinibak sa pwesto ang direktor ng Eastern Police District (EPD) dahil sa physical at verbal abuse sa isang babaeng pulis noong May 12, 2019.
Sa isang pahayag, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar na kinopronta ni EPD director Brig. Gen. Christopher Tambungan ang pulis na si Cpl. April Santiago sa isang police community precinct sa San Juan bandang 7:00 ng gabi.
Sa CCTV footage ay mapapanood na nakasakay si Tambungan sa kaniyang sasakyan nang tamaan sa ulo si Santiago.
Maliban dito, binangga pa umano ni Tambungan si Santiago ng pinto ng kotse habang nagbibitaw ng masasakit na salita laban dito.
Ani Eleazar, natanggap nito ang ulat noong araw ng Martes lamang, June 18.
Hindi kasi aniya makapaghain ng reklamo si Santiago sa takot na sawayin siya nito.
Matapos ang inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Eleazar na naniniwala siya sa akusasyon laban kay Tambungan kaya ipinag-utos nito ang pagsibak sa EPD director.
Nangako naman ang NCRPO director na magsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Si Tambungan ay inilipat sa NCRPO habang si EPD deputy director for administration Col. Florendo Quebeyen ang pansamantalang tatayo bilang EPD director.