Ginhawa ng mga pasahero pinatitiyak ni Duterte sa airline companies

Nagpaalala si Pangulong Rodrigo Duterte sa airline companies na tiyakin ang convenience o ginhawa ng mga pasahero sa kanilang mga operasyon.

Sa talumpati sa 121st anniversary celebration ng Philippine Navy sa Cavite, Lunes ng gabi, sinabi ng pangulo na responsibilidad ng airlines na maging maayos ang biyahe ng mga pasahero.

Ang pahayag ng pangulo ay isang linggo matapos ang nangyaring flight delays at cancellations sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Inalala ng pangulo ang hirap na dinanas ng mga pasahero sa delayed flights na ang ilan anya ay naghintay ng limang oras habang ang iba ay kinailangan pang mag-book ng hotel.

“Merong isang eroplanong nag-landing and they stayed for five hours inside the plane — incoming. So merong tumawag late ng two hours, mag-book sila ng hotel. Kawawa talaga ang riding public,” ani Duterte.

Ayon sa presidente, kung hindi kayang ibigay ng airline companies ang comfort at convenience para sa mga pasahero ay hindi dapat mag-alok ang mga ito ng air travel.

“So I told PAL [Philippine Airlines] and the rest of the carriers — the very essence of a common carrier, whether it is a jeep, a bus, an airplane, a ship — ang common ano diyan is for public interest and public governance, and convenience. If you cannot provide convenience and comfort, do we ought not to be there at all?” giit ng pangulo.

Una rito, ipinag-utos ng pangulo ang agarang paglilipat sa general aviation at domestic flight operations sa Sangley Point sa Cavite.

Layon ng hakbang na mapaluwag ang NAIA na ngayon ay nag-ooperate nang lampas sa kapasidad nito na 31 milyon lamang kada taon.

 

Read more...