Sa kanyang talumpati sa 121st anniversary ng Philippine Navy sa Sangley Point, Cavite araw ng Lunes, nagreklamo ang Pangulo sa talamak na katiwalian sa gobyerno.
Ayon kay Duterte, hindi niya matutupad ang kanyang pangako na matanggal ang kurapsyon kahit pangulo pa siya ng hanggang 20 taon.
“Totoo, sabihin ko nagsisi ako kasi akala ko within the Constitutional powers na ibinigay sa akin, kaya ko. But truth to tell, kung araw-araw na lang pati every table dito sa Pilipinas ganoon, hindi ko talaga mahabol,” ani Duterte.
“Kaya ko. Pero sa batas na ito, Constitution, (I can do it but with this Constitution) even if you give me 20 years I cannot do it. Maghanap uli kayo ng Marcos (Find another Marcos). Or someday, somehow, somewhere that fellow will be elected in the generations to come,” dagdag ng Pangulo.
Dagdag ng Pangulo, dahil sa problema sa red tape at katiwalian sa pamahalaan ay hindi magtatagumpay ang Pilipinas partikular sa ekonomiya nito.
Matatandaan na ilang opisyal na ng gobyerno ang sinibak sa pwesto ng Pangulo dahil sa alegasyon ng kurapsyon.
Pero binatikos din si Duterte dahil sa umanoy pag “recycle” o muling pagtalaga ng sinibak na opisyal sa ibang pwesto sa gobyerno.