Hinikayat ng National Water Resources Board (NWRB) ang mga kabahayan at lokal na pamahalaan sa Metro Manila at kalapit na mga lalawiagan na magtipid ng tubig at mag-recycle ng tubig-ulan.
Ito ay bilang paghahanda sa mas pababa pang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David, makakatulong ang mga LGU na mabawasan ang epekto ng kakulangan sa tubig sa pamamagitan ng istriktong pagpapatupad ng mga paraan para makatipid ng tubig.
Nais ng NWRB na may limitasyon sa paggamit ng tubig partikular sa mga nasasakupan ng mga lokal na pamahalaan.
Isa pang hakbang ay ang paggamit ng tubig ulan sa mga hindi mahalagang gamit ng tubig.
“Don sa pag-kontrol o pag-limit ng gamit, ‘yong mga mga LGUs, makakatulong sila in terms of pag-enforce ng mga measures lalo na sa mga panahon na ito. ‘Yong i-limit ‘yong paggamit ng treated water, and instead gamitin ‘yong recycled or harvest rainfall sa mga non-essential na gamit,” pahayag ni David.
Una rito ay inanunsyo na nasa 162.39 meters na ang water level sa Angat Dam, ito ay 18 meters na mas mababa sa normal operating level na 180 meters.
Dagdag ni David, sa darating na weekend ay posibleng bumagsak na sa 160-meter mark ang lebel sa Angat Dam.
Taong 2010 nang huling umabot sa 160-meter mark ang antas ng tubig sa naturang dam.
Hindi pa inaasahang tumaas ang water level kahit idineklara na ng Pagasa ang tag-ulan dahil sa monsoon break o ang shift sa pagitan ng weather systems na magdadala ng kaunti o hanggang walang pag-ulan lalo sa Angat Dam area.
Gayunman sinabi ni David na makakatulong ang biglaang mga pag-ulan sa ibang lugar kung iipunin ito ng mga tao para sa ibang paggagamitan.
“Mas mapapakinabangan natin ito kung i-ipunin natin at i-recycle po natin, kahit hindi man bumagsak ‘yan sa sheds, may pakinabang pa rin para sa supply ng tubig kung ito po ay hinarvest natin at magamit sa mga non-essential na (activities),” dagdag ni David.