Ininspeksyon ni Cusi araw ng Linggo ang nabanggang F/B GEMVIR1 sa San Jose, Occidental Mindoro.
Ani Cusi, kung intensyonal ang pagbangga, hindi ito magiging daplis lamang at dapat mas malala ang pinsalang natamo ng bangka.
“Kasi kung sasabihin natin kung talagang babanggain… napakabulok naman ng babangga, daplis lang… kung mean to kill, eh syempre ididiretso mo na,” ani Cusi.
Wasak ang likurang bahagi ng F/B GEM-VIR1.
Pero iginiit ni Jonel Insigne, kapitan ng bangka na sinadya ang pagbangga sa kanila at masakit anya sa kanila na sinasabing daplis lang ang nangyari.
Nagalit din ang asawa ni Jonel na si Lani, sa naging pahayag ng kalihim.
Ayon kay Lani, hindi man nakapag-aral ang kanyang asawa ay hindi ito sinungaling.
Tila gusto pa umano ng kalihim na mamatay ang mga mangingisda para lamang mapatunayang sila ay sinadyang banggain.
Sabi pa ni Felix Dela Torre, crew ng bangka, tila dinedepensahan pa ng gobyerno ang mga Chinese at parang sinasabing sinungaling ang mga mangingisdang Pinoy.
Samantala, sinabi ni Insigne na sa pagharap niya kay Pangulong Rodrigo Duterte, hihilingin niya ang tulong sa pagpapaayos sa bangka; ang pagpapanagot sa mga bumangga sa kanila; at ang pagbabawal sa mga Chinese sa Recto Bank.