Sec. Manny Piñol, nilinaw ang mga detalye ukol sa Recto Bank incident

Nilinaw ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang kontrobersya ukol sa paglubog ng bangkang pangisda ng ng mga mangingisdang Filipino sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay kasunod ng iba’t ibang bersyon ng storya na lumalabas sa media.

Gamit ang kaniyang Facebook account, inisa-isa ng kalihim ang mga sagot sa ilang katanungan sa naturang insidente.

Ipinunto ni Piñol na simula pa lamang nang lumabas ang balita ukol sa insidente, inilahad ng kapitan at mga crew member ng F/B Gem-Ver 1 na Chinese vessel ang bumangga sa kanila.

Unang sinabi ng China na hindi sila tiyak dito ngunit inamin din kalaunan na sangkot ang kanilang barko sa pagbanggaan.

Aksidente man o sadya, inihayag ni Piñol na mas mabuting maresolba ang kaso sa pamamagitan ng pagsasagawa ng maritime investigation.

Sinabi rin ni Piñol na totoong lumubog ang bangka ng mga Pinoy dahil kinailangan nilang tumalon sa karagatan.

Makikita rin aniya sa larawan na nakalap ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Elizer Salilig ang pagkasira ng bangka.

Tumulong lang aniya ang mga rescuer na muling maiangat at maayos ang bangka ng mga Pinoy.

Samantala, hindi naman aniya naapektuhan ang mga nahuling isda ng mga mangingisdang Pinoy sa insidente.

Tiniyak din ni Piñol na walang nasaktan sa mga mangingisda at lahat ay ligtas na nakauwi sa kani-kanilang pamilya.

Sinabihan pa aniya ang mga mangingisda na kumuha ng fishing boat grant sa ilalim ng F/B Pagbabago Program ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan mabibigyan ang mga mahihirap na mangingisda ng bangka at kagamitan para pumalaot.

Magtatakda naman aniya ang DA-BFAR ng iskedyul para sa distribusyon ng mga bangka.

Umaasa rin ang kalihim na sa paglalabas ng naturang pahayag, mabibigyang-linaw na ang isyu sa nasabing insidente.

Naisumite na ng DA ang official report sa pangulo na idinaan kina Executive Secretary Salvador Medialdea at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Read more...