CEO na sangkot sa P200M estafa case, wanted ng pulisya

Kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang Chief Executive Officer o CEO ng QuestLink Digital Marketing Services matapos umano nitong itakbo ang P200,000,000 na pera ng mga investors sa Davao del Norte.

Ayon kay Police Captain Anjanette Tirador, tagapagsalita ng pulisya, nagkasa na ng manhunt operation para kay Kenneth Paz Nagaz na sinasabing taga Quezon City, at isang Rogie Sabando, operation manager sa nasabing kumpanya.

Nagsumplong aniya ang isang ahente ng halos 100 investors na nagbigay ng kabuuang P209,000,000 sa kumpanya matapos mangako nito ng 500 percent na return of investment sa loob ng 15 araw.

Sinabi ng nagreklamo ay nag-umpisa ang operasyon ng kumpanya sa Tagum City noong June 1 kung saan naibigay ang investments noong June 4 at ngayong linggo.

Bigla na lamang hindi sumasagot si Nagaz sa nasabing ahente kaya nagpasya na itong magsumplong sa mga otoridad.

Walang opisina ang QuestLink at ibinibigay lamang aniya ang investment sa isang ahente sa isang hotel sa nasabing lungsod.

Nanawagan naman ang pambansang pulisya sa mga naargabyadong investors na lumapit sa kanila at maghain ng reklamo.

Read more...