Barko ng China hindi kinuyog ng mga bangka ng Pilipinas batay sa satellite images

Credit: Jay Batongbacal

Taliwas sa pahayag ng China na nilapitan ng pito hanggang walong bangka ng mga Pilipino, makikita sa satellites images na hindi kinuyog ang barko ng China sa Recto Bank.

Ayon kay Professor Jay Batongbacal, director ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, makikita sa visible infrared imaging radiometer suite (VIIRS) data noong gabi ng insidente na kaunting mga bangkang pangisda lamang ang nag-ooperate sa lugar.

Makikita anya sa satellite images na nakakalat ang mga bangka sa malawak na bahagi ng Reed Bank.

Ang dalawang bangka anya na pinakamalapit sa isa’t isa ay may layong 3 hanggang 5 nautical miles o 7 hanggang 9 kilometers.

Dahil dito ay kinuwestyon ni Batongbacal ang sinabi ng China na kinuyog ng mga bangka ng mga mangingisdang Pinoy ang barko ng China.

Pahayag ito ng maritime expert kasunod ng sinabi ng China araw ng Biyernes na ang fishing boat Yuemaobinyu 42212 ay nananatili sa lugar nang lapitan umano ng mga banka ng mga Pilipino.

Una nang nagpahayag ng duda si Batongbacal na aksidente ang nangyari dahil hindi anya babangga ang isang umaandar na barko sa isang naka-angklang barko at ilagay sa panganib ang mga sakay ng barko.

 

Read more...