11 katao, patay dahil sa bagyong ‘Nona’

Edwin Bacasmas/Inquirer

Umakyat na sa 11 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Nona’ sa bansa ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Anim na beses naglandfall ang naturang bagyo kung saan ang huli ay naganap sa Lubang Island sa Oriento Mindoro dakong ala 1:00 ng madaling araw ng Miyerkules.

Ayon sa datos ng NDRRMC, naitala ang pinakamaraming bilang sa Mindoro kung saan 8 ang nasawi.

Tig-dalawa naman ang naitalang patay sa Samar, Catanduanes at Sorsogon habang isa naman sa Masbate.

Samantala, kinilala ni Health Secretary Janet garin ang dalawa sa nasawi na sina Aucente Pascual Jr., 31, mula sa Allen, Northern Samar at Jason Desario, 28 mula sa Matuguinao, Western Samar na nalunod.

Tinataya namang may kabuuang 165,554 pamilya o 742,991 na indibidwal ang inilikas mula sa kanilang mga tirahan na malapit sa dagat at sa mga lugar na madalas makaranas ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa, habang nasa 225,994 katao naman ang dinala sa 716 evacuation centers.

Dahil rin sa pananalasa ng bagyong ‘Nona’, nasa P106 milyon na ang naitalang halaga ng mga napinsalang agrikultura at mga imprastraktura sa Eastern Visayas at Bicol Region bukod pa sa Romblon at Marinduque, ayon sa kanilang initial damage assessment.

Read more...