P300 – P5,000 tulong ng DSWD labas ng CCT program

dswd via ricky
Kuha ni Ricky Brozas

Mahigit walong oras na pumila si Ginang Alejandra Lomanta sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Office sa Quezon City para sa P500 tulong pambili ng school supplies ng kaniyang anak.

Isa lamang si Ginang Lomanta ng Bagong Silang, Caloocan City sa libo-libong indibidwal na pumila sa DSWD para humingi ng tulong sa ilalim ng “assistance to individual in crisis” program ng ahensya.

Ilang araw na ring mahaba ang pila sa Quezon City office ng DSWD na ayon kay DSWD Sec. Dinky Soliman ay hindi pangkaraniwan.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Soliman na simula nang mag-umpisa ang klase ay biglang dumami ang humihingi ng tulong partikular para sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

Ayon kay Ginang Lomanta, dalawa ang kaniyang anak na nag-aaral – ang isa ay Grade 3 at ang isa ay Grade 5. Nahihirapan umano silang tustusan ang pangangailangan sa araw-araw dahil pasulpot-sulpot lamang ang trabaho ng kaniyang mister bilang karpentero.

Dalawang libong piso kada Linggo ang kinikita ng kaniyang asawa, pero hindi aniya ito regular. Mas madalas kasi na walang nagpapagawa sa kaniyang asawa.

Si Lomanta ay pumila sa DSWD Office mula alas 2:00 ng madaling araw ng Biyernes. Pero alas 11:00 na ng umaga ay nakapila pa rin siya at inaantabayanan pa rin ang inaasam na tulong.

Nasa P300 hanggang P500 lang aniya ang naibibigay nilang tulong pambili ng school supplies depende sa kung anong level na ng kanilang mag-aaral. Isang mag-aaral lang din sa bawat pamilya ang maaring bigyan ng tulong pang-edukasyon.

Ayon kay Soliman, hindi normal ang dami ngayon ng mga humihingi ng tulong dahil may impormasyon pa silang natanggap na ang iba ay dumadating pa sa kanilang tanggapan sakay ng mga bus.

Kuha ni Ricky Brozas

“Ang mga nakapila po ngayon sa aming tanggapan sila po ang humihingi ng assistance to individual in crisis. Isa po itong sebisyo ng pamahalaan na ang mga mamamayan na may krisis ay humihingi ng tulong. Ang mga pumipila po ngayon ay humihingi ng tulong para sa edukasyon ng anak nila,” ayon kay Soliman

Sinabi ni Soliman na ang mga pumipila para sa nasabing benepisyo ay hindi dapat kabilang sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilya Program. Kung ang hihinging tulong ay para sa pag-aaral ng kanilang anak, kailangan may dalang Certificate of Indigency mula sa Barangay at ID ng anak na nag-aaral.

Maari ding umulit ang mga humihingi ng tulong, tatlong buwan makalipas ang una nilang paglapit sa DSWD. Pero ayon kay Soliman, kapag umulit sa paghingi ng tulong ang isang indibidwal ay sasailalim ito sa mas mahigpit na pagbusisi para masigurong hindi maaabuso ang programa.

“May mga bumabalik po, pero sinasabihan sila na 3months dapat ang pagitan. At kapag bumalik po mas inuusisa po sila. Kapag ikatlong beses na silang babalik, pinupuntahan na sila sa bahay para alamin ang kondisyon nila,” dagdag pa ni Soliman.

Maliban sa education assistance, ang iba pang tulong na maaring ibigay sa ilalim ng nasabing programa ay ang “medical assistance”, transportation assistance at burial assistance. Para sa medical at burial assistance, posibleng umabot sa hanggang P5,000 ang maibigay na tulong depende sa kalagayan at taas ng hospital bill ng pasyente.

Kasabay nito ay nanawagan si Soliman sa mga pumipila sa Quezon City Office ng DSWD na kung sila ay taga-Maynila, maari din silang magtungo sa tanggapan ng ahensya sa Legarda para hindi humaba ng husto ang pila sa Quezon City./ Ricky Brozas may ulat ni Dona Dominguez-Cargullo

Read more...