Tinutulungan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pamilya ng dalawa nilang tauhan na kabilang sa tatlong dinukot ng mga miyembro ng grupong Abu Sayyaf.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesperson Commander Armand Balilo, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para mailigtas ang mga tauhan nila na sina Seaman 2nd Gringo Villaruz at Seaman First Allan Pagaling.
Ang dalawa ay nakatalaga sa Dapitan City. Kasama nilang nabihag si Barangay Aliguay, Dapitan City Chairman Robert Bulagao.
Dahil sa insidente, sinabi ni Balilo na isasalang nila sa muling pag-aaral ang security protocol ng Philippine Coast Guard para sa kanilang mga tauhan, lalo na ang mga nakatalaga sa malalayo at delikadong lugar.
Sa video na naging viral sa Facebook, ipinakita ang tatlong bihag na magkakatabi, nakaluhod, nakatali ang kamay sa likod at nakapiring ang mata. Bawat isa sa kanila ay pinagsalita at nanawagan sa administrasyon at pamunuan ng Coast Guard para sila ay iligtas.
Makikita sa video na bantay sarado sila ng walong lalaki na armado ng baril at bolo na nakatakip ang mga mukha.
Dinukot ang tatlo noong May 4 sa Aliguay Island malapit sa Dakak Resort sa Dapitan City.
Sa nasabing video, umiiyak na nanawagan si Pagaling sa pamahalaan habang nakatutok sa kaniya ang bolo na hawak ng isa sa mga bandido. Hatala din kay Pagaling ang matinding takot dahil sa panginginig ng kaniyang boses habang nananawagan sa gobyerno. “Nanawagan (ako) sa pamahalaan na tulungan kami, lalo na si President Aquino, tulungan mo kami…papatayin kami nila. Maawa ka sa amin, sa mga opisyales ng gobyerno, sa pamilya namin tulungan ninyo kami,” ayon kay Pagaling.
Ayon naman kay Villaruz, pupugutan sila ng mga bandido kapag hindi naibigay ng gobyerno ang kanilang hinihingi. “Humihingi kami ng tulong galing sa kataas-taasan pamahalaan sa Pilipinas, Sir, tulungan mo kami, hindi kami puwedeng magtagal dito kasi kukunan kami ng ulo kung yun hinihingi nila ay hindi maibigay. Kung sino ang nakapanood ng video nito tulungan ninyo kami, maawa kayo sa amin.” Sinabi ni Villaruz.
Naninindigan ang pamunuan ng PCG sa “no ransom policy” ng pamahalaan./Ruel Perez, may ulat ni Dona Dominguez-Cargullo