Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi sibilisado at mapangahas ang pag-abanduna ng barko ng China sa bangka na may sakay na 22 mangingisdang Pilipino na kanilang binangga.
“We call on the appropriate Chinese authorities to probe the collision and impose the proper sanctions to the Chinese crew,” ani Panelo.
Anuman anya ang dahilan ng insidente, aksidente man o sinadya, likas dapat sa sangkatauhan na agad iligtas ang nalulunod na mga Pilipino.
Dagdag ni Panelo, dapat naging prayoridad ang kaligtasan ng crew ng nasirang bangka at natural na reaksyon ang pagtulong sa mga ito.
Hindi anya dapat iniwan ng kapitan ng barko ng China ang nabanggang bangka ng walang kaukulang tulong.
“The Captain and the crew of the Chinese vessel should not have left the injured party without any assistance or succor. Such act of desertion is inhuman as it is barbaric,” pahayag ni Panelo.
Giit ng Kalihim, malinaw itong paglabag sa maritime protocols at tanggap na alituntunin sa pagtulong sa distressed vessel.
Nagpasalamat naman ang Malakanyang sa barko ng Vietnam na tumulong sa mga Pilipino na naiwan sa dagat matapos ang pagbangga ng barko ng China.
Tinutulungan na rin anya ng kaukulang ahensya ng gobyerno ang mga nailigtas na Pinoy.