Hepe ng presinto sa Pasig sibak sa pwesto dahil sa maduming istasyon

PIO NCRPO photo

Tinanggal sa pwesto ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director Major General Guillermo Eleazar ang commander ng isang istasyon ng pulisya sa Pasig City dahil madumi ang naturang presinto.

Nagsagawa ng sorpresang inspeksyon si Eleazar sa presinto at nakita nito ang mga bote ng alak at tubig at balat ng mga pagkain at iba pang kalat sa paligid.

Hindi naabutan ni Eleazar ang station commander na si Captain Eleno Ilustrisimo kaya ang napagalitan ay ang dalawang tauhan nito na naka-duty.

Ayon sa NCRPO chief, nasita na niya dati ang istasyon dahil sa maduming paligid pero nag “strike two” pa ito kaya sinibak niya sa pwesto ang opisyal.

Tinanggal naman ng hepe ng Pasig Police ang desk officer at administrator ng maduming istasyon ng pulisya.

Samantala, madumi rin ang isa pang presinto sa Quezon City.

Ayon kay Eleazar, puro kalat sa paligid ng istasyon, may plastic na nakasabit sa kisame at may nakalagay na pamatay ng langaw sa white board.

Sinabihan ng opisyal ang mga pulis na ang gusto niyang makita sa bawat istasyon ay sobrang kalinisan.

Malaki anya ang epekto ng kalinisan sa trabaho ng mga pulis at sa tingin ng publiko sa pulisya.

Target anya ng pulisya na patuloy na bumalik ang tiwala ng mga tao sa mga pulis.

Read more...