Pinulong ng mga lider ng PDP-Laban ang tatlo sa kanilang mga miyembro na nag-aagawan sa House Speakership sa 18th Congress.
Naganap ang pulong Martes ng gabi sa bahay ni Senator Manny Pacquiao sa Makati City.
Sa mga larawan na ibinahagi ni PDP-Laban public information committee chairman Ron Munsayac, makikita sina Pacquiao, PDP-Laban president Senator Aquilino Pimentel III at ang speakership aspirants na sina Marinduque Representative Lord Allan Velasco, Davao Del Norte Representative Pantaleon Alvarez at Pampanga Representative Aurelio Gonzales.
Dumalo rin sa pulong si 1-Pacman party-list Representative Eric Pineda.
Magugunitang kamakailan lamang ay nag-host din ng dinner si Pacquiao para sa mga miyembro ng Senate majority upang maayos ang gusot sa committee chairmanships.
Samantala, maliban kina Velasco, Alvarez at Gonzales, dalawa pa sa nagnanais makakuha sa speakership ay mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na sina Taguig Representative-elect Alan Peter Cayetano at Leyte Representative-elect Martin Romualdez.