P150-B na nalustay sa dialysis scam hindi totoo ayon sa Malacañang

File photo

Malisyoso at walang basehan ang ulat ng Philippine Daily Inquirer na P150 Billion na pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) ang nalustay dahil sa ghost dialysis scam.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, pinabulaanan ni Health Secretary Francisco Duque sa cabinet meeting kagabi na lumobo ng P150 Billion ang nawala sa Philhealth.

Ayon kay Panelo, iginigiit ni Duque na nasa P300 Million lamang ang nagastos ng Philhealth dahil sa ghost dialysis scam.

Kasabay nito, sinabi ni Panelo na hindi pa niya mabatid kung nakapag sumite na ng resignation letter si Philhealth acting president Roy Ferrer at iba pang board of directors.

Ayon kay Panelo, walang duda na tatanggapin ng pangulo ang pagbibitiw ng mga matataas na opisyal ng Philhealth dahil walang ibang hinangad ang punong ehekutibo kung hindi ang magkaroon ng clean slate at hindi maimpluwensyahan ang ginagawang imbestigasyon ukol sa ghost dialysis scam.

Una rito, sinabi ni Panelo na isang Dr. Jaime Cruz ang napipisil ni Pangulong Duterte na italaga sa Philhealth.

Read more...