Humingi ng apology o paumanhin ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa mamamahayag na si Margarita Valle dahil sa maling pag-aresto sa kanya.
Inaresto si Valle matapos itong mapagkalamalan na umanoy komunista na wanted sa patong patong na kaso kabilang ang murder.
Sa pahayag ay humingi ng paumanhin si Col. Tom Tuzon, pinuno ng CIDG Regional Field unit, dahil sa naranasan ni Valle nang arestuhin ito ng mga tauhan ng CIDG mula sa Pagadian City sa Laguindingan Airport noong June 9.
“On behalf of the PNP-CIDG, I want to extend my sincerest apologies for the negative experience that you had with our CIDG personnel from Pagadian City at Laguindingan Airport in the morning of June 9, 2019,” ani Tuzon.
Ang beteranang journalist ay napagkamalam na si Elsa Renton, may alyas na Tina Maglaya at Fidelina Margarita Valle, hinihinalang komunista na may arrest warrants para sa mga kasong arson at multiple murder with quadruple frustrated murder and damage to government property.
Ayon kay Tuzon, nagdulot ng “unnecessary anxiety” kay Valle ang pag-aresto at pagdala sa kanya mula sa paliparan sa Misamis Oriental papuntang CIDG regional office sa Pagadian City.
Labing-isang oras na nasa kustodiya ng pulisya ang mamamahayag bago ito pinalaya.
Dagdag ni Tuzon, dapat kinumpirma ng mga pulis ang pagkakilanlan ni Valle bago ito inaresto kahit galing sa “reliable source” ang impormasyon ukol sa mamamahayag.
Iniimbestigahan na anya ang posibleng kapabayaan sa pag-aresto kay Valle sabay paniniyak na gagawa ng hakbang ang pulisya para hindi na maulit ang pangyayari.