Media, pinagbawalang makapasok sa INC compound

 

Inquirerfile photo

Bahagyang nagkagulo sa harapan ng Iglesia ni Cristo compound sa Tandang Sora, Quezon City Martes ng hapon makaraang pigilan ng mga security ang mga miyembro ng media na makapasok sa lugar.

Papasok sana ang mga media sa loob ng compound matapos silang imbitahan ng natiwalag na ministro ng INC at kapatid ng INC executive minister na si Angel Manalo upang makita ang mga pagbabakod na ginagawa sa loob.

Una rito, nagtungo ang mga mamamahayag sa lugar upang saksihan ang pag-iinspekyon ng mga court sheriff kaugnay ng petisyon ng INC na pagbawalan na tumanggap ng bisita ang magkapatid na sina Angel At Lottie Manalo-Jimenez.

Kaugnay nito, nag-utos si Judge Edgar Santos ng QCRTC Branch 222 na mainspeksyon ang compound sa No. 36 Tandang Sora, Quezon City upang matukoy ang mga taong nasa loob at malaman ang mga entry at exit points doon.

Gayunman, nang dumating ang mga media, tinangkang papasukin ni Angel Manalo ang mga ito, ngunit pinigilan naman sila ng mga security aide na humantong sa hilahan at tulakan.

Read more...