Kinansela ng Los Angeles Unified School Dsitrict sa Estados Unidos ang lahat ng klase sa mahigit-kumulang isanlibong paaralan matapos umanong makatanggap ng pagbabanta na may magaganap na karahasan laban sa mga estudyante ngayong araw.
Ayon kay school district Superintendent Ramon Cortinez, isang ‘electronic threat’ ang tinanggap ng mga paaralan na nagsasabing may mangyayaring hindi maganda sa mga estudyante kaya’t nagdesisyon itong ipatupad ang malawakang class suspension.
Agad namang ipinag-utos ng school officials ang pag-iinspeksyon sa mahigit sa 900 mga charter school at k-12 scshool sa Los Angeles upang matiyak na magiging ligtas ang mga estudyante.
Ang Los Angeles Unified School Dstrict ay may mahigit na 650,000 mga estudyante na naka-enrol mula kindergarten hanggang grade 12.
Maging ang mga paaralan sa New York ay nakatanggap din ng kahalintulad na pagbabanta mula sa email ngunit hindi naman nagkansela ng klase doon.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad upang matukoy ang pinagmulan ng naturang banta.