Lehitimo ang lahat ng naging puna ni Vice President Jejomar Binay sa Administrasyong Aquino.
Ayon kay dating University of the East (UE) College of Law Dean Amado Valdez, totoo namang naging palpak ang administrasyon ni PNoy sa maraming mga bagay at hindi ito lingid sa kaalaman ng publiko.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Valdez na mas mabuti sana kung pinalawig ni Binay ang kaniyang mga ipinahayag sa bawat partikular na isyu gaya na lamang ng nangyari sa Mamasapano.
Ilan lamang sa binanggit ni Valdez na nagkaroon ng kapalpakan sa panig ng administrasyon sa usapin sa Metro Rail Transit (MRT), Quirino hostage crisis, West Philippine Sea at sa pagtulong sa mga nasalanta ng super typhoon Yolanda.
“Kapag sinabi mong palpak, ang taumbayan nagdecide na dati pa naging palpak ang administrasyon. Kaya nung nagpaliwanag si Vice President Binay, sana nagkaroon siya ng narration sa mga pangyayari, specific sana,” ayon kay Valdez.
Hindi na rin aniya dapat ikagulat ang pag-alis sa gabinete ni Binay na ayon kay Valdez ay inaasahan naman na. Natural lang din aniya para sa bise presidente na hindi agad bumanat sa administrasyon habang siya ay miyembro pa ng gabinete ni PNoy.
Ayon kay Valdez, ang mabuting gawin ni PNoy ay tanggapin ang mga pagkakamali at kapalpakan sa ilang usapin sa pamahalaan at saka matuto sa mga karanasang ito.
Magsilbing aral din aniya ito sa publiko para pumili ng ihahalal na may sapat na karanasan at kaalaman dahil mahalaga itong sandata sa pag-upo sa pamahalaan.
Samantala sinabi ni De La Salle University Professor Antonio Contreras na dapat samantalahin ng taumbayan ang batuhan ng banat at batikos ng mga pulitiko para sila ay kilatisin.
Ang tinutukoy ni Contreras ay ang palitan ng salita nina Vice President Jejomar Binay at ni Pangulong Noynoy Aquino. Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Contreras na sa ganitong pagkakataon lumalabas ang katotohanan sa pamahalaan kapag nagkakapalitan na ng akusasyon ang mga nasa pwesto.
Magandang pagkakataon aniya ito para sa publiko lalo na sa mga botante upang makilatis ang karakter at performance ng mga pulitiko.
“Kapag ang mga pulitiko ay nag-aaway maraming lumalabas at dahil doon nalalaman natin ang totoo. Use this as opportunity to further evaluate their character and their performance. Matuto tayo dito, pagkakataon natin ito na kilalanin ang lahat ng actor sa pulitika,” ayon kay Contreras.
Sinabi din ni Contreras na natural lang para kay Binay na hindi agad magsalita ng mga hinaing niya sa Pamahalaan habang siya ay bahagi pa ng gabinete ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Contreras, habang bahagi ng gabinete, hindi pwedeng maging tahasan si Binay sa kaniyang mga pagpuna. Maliban dito, kilala aniya ang Pangulong Aquino na hindi tumatanggap ng mga kritisismo.
“Nalilimutan ng Pangulo o ng mga kapartido niya na hindi pwedeng maging very blatant ang puna ng isang cabinet member, lalo na sa mga kapwa niya miyembro ng gabinete. Alam din naman natin na ang ating Pangulo ay ayaw tumanggap ng criticism diba, isa iyan sa mga problema niya,” sinabi ni Contreras./Dona Dominguez-Cargullo