(updated) “Alam ng publiko kung sino ang nagsisinungaling at sino ang nagsasabi ng totoo”.
Ito ang reaksyon ng Pangulong Aquino sa naging banat ni Vice President Jejomar Binay laban sa administrasyong Aquino noong Miyerkules ng hapon.
Ayon kay PNoy, ang focus niya ngayon ay samantalahin ang nalalabing araw niya sa pwesto para mapagsilbihan ang publiko at wala siyang panahon para atupagin ang pulitika.
“My interest is to maximize all the opportunities for our people, to run this country… I have a responsibility to make this society, this country better. I will not allow myself to be distracted by talks of politics when I think it is very clear to the people who is telling the truth, and who is lying,” sinabi ni PNoy sa pagdalo nito sa Livestock Philippines 2015 Conference.
Sa tono ng salita ni PNoy, hindi maitatangging masama ang loob nito sa bise presidente. Ayon kay PNoy, binigyan niya ng oportunidad si Binay para hindi maging isang “spare tire” lamang sa gobyerno.
Hindi rin umano niya matandaan na tinrato niya ng mali si Binay, kaya nagtataka siya kung bakit ganito pa ang isusukli nito sa kaniya.
“I gave him all the opportunity so that he would not be a spare tire,” Mr. Aquino said, adding he would address “point by point” all the wrongdoing that Binay imputed against the administration. “Maybe you would ask, how do I feel? It’s a given to every Filipino, you put yourselves in my position… I did not treat him wrong and this is what he repays me with? So, I say to him, ‘Thank you.’” sinabi ni PNoy.
Sinabi ni PNoy na ibinigay nga niya ang hiling ni Binay na pamunuan ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at ang Overseas Filipino Workers Affairs.
Nagtataka din ang Pangulong Aquino kung bakit sa loob ng limang taon na mayroong pagkakataon si Binay para ilahad ang kaniyang mga saloobin ay ngayon lang nito napagdesisyunan na magsalita laban sa administrasyon.
Dagdag pa ni PNoy, noong araw na isinumite ang resignation ni Binay, agad niya itong tinawagan para tanungin kung ano talaga ang problema, gayunman, hindi umano masagot ni Binay ang kaniyang tanong.
“Nung ipinadala niya sa akin ang sulat tinanong ko siya ano ba talaga isyu? Hindi niya ako masagot. That point in time parang wala pa rin siyang masabi, pero sa statement niya parang marami siyang kinikimkim,” ayon pa sa Pangulo.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ni Binay na si dating Cainta Mayor Mon Ilagan, nananatili ang maayos na relasyon sa pagitan ng bise presidente at ni PNoy. Ayon kay Ilagan, hindi maikakaila na malaki ang utang na loob ni Binay sa pamilya Aquino./ Dona Dominguez – Cargullo, may ulat mula kay Alvin Barcelona