Tentay itinanggi na gumagamit sila ng synthetic acetic acid

Credit: Tentay Food Sauces, Inc.

Pinabulaanan ng condiments firm na Tentay Food Sauces, Inc. na gumagamit sila ng synthetic acetic acid sa kanilang mga produkto.

Ito ay kahit lumabas sa resulta ng pagsusuri ng Food and Drug Administration (FDA) na tatlo sa kanilang mga suka ng Tentay ay substandard dahil sa paggamit ng synthetic acetic acid.

Ayon kay Tentay President and CEO Velia Cruz, tinanggal na nila sa mga pamilihan ang mga suka na sinasabing may synthetic acetic acid.

Nalulungkot anya ang kumpanya dahil maaaring ikonsidera ng mga consumer na ang Tentay products ay substandard.

Bagaman hindi gumagamit ng synthetic acetic acid, sinabi ni Cruz na gumagamit sila ng cloudifying agent na magpapamukhang naturally fermented ang kanilang suka.

Iginiit ng kumpanya na ang standards na ginamit ng FDA sa pagsusuri ay ang Administrative Order 134 ng Department of Health (DOH) noon pang 1970 na nagbabawal sa synthetic acetic acid at cloudifying agent sa mga suka.

Kung susundin umano ito, ay walang produktong suka ng kahit anong kumpanya ang papasa sa pagsusuri ng FDA.

Itinigil na rin ng kumpanya ang paggawa ng suka na pito hanggang walong porsyento lang ng produksyon ng Tentay dahil malaking bulto ng kanilang paninda ay patis.

Sinabi pa ni Cruz na sila ay compliant dahil tinatanggap ang kanilang produkto sa maraming bansa tulad ng Canada, Japan, Australia, Taiwan, Saipan, Guam, Middle East at US.

 

Read more...