Shopee pinagpapaliwanag ng DTI sa reklamo ng mga customer sa palpak na Blackpink meet and greet

Iniimbestigahan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang insidenteng kinasangkutan ng Shopee matapos ang pumalpak na meet and greet nito sa Korean Pop group na Blackpink.

Ayon kay Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, hiningi na nila ang paliwanag ng Shopee matapos na maraming fans ng Blackpink ang maghayag ng kanilang reklamo.

Partikular na nakarating sa DTI na maraming fans ang hindi nakapasok sa meet and greet ng Blackpink kahit nakasunod sila sa promo requirement ng Shopee at gumastos sila ng napakalaking halaga.

Ani Lopez, tutukuyin sa imbestigasyon kung ang aberya ay mula sa panig ng Shopee o sa namamahala sa Blackpink.

Hinimok din ni Lopez ang fans na maghain ng reklamo. Ani Lipez, kung mayroon silang binayaran at tumugon sila sa promo requirements pero hindi nai-deliver ng tama ang promo ay maari silang magreklamo.

Magugunitang ilan sa fans ang nagsabing gumastos sila ng P20,000 hanggang mahigit P100,000 para lamang makapasok sa top 40 spender ng Shopee at magkaroon ng pagkakataon na makapagpa-autograph sa sa Blackpink pero bigo silang makapasok sa event at huli na sila inabisuhan na kanselado ang kanilang winning tickets.

Read more...