Sa talumpati sa paggunita ng Eid’l Fitr sa Davao City araw ng Huwebes, sinabi ng pangulo na hindi siya nagbibiro nang magbanta ng giyera.
Ipinahayag ng presidente ang galit sa tila pagturing ng Canada sa Pilipinas bilang basurahan.
“It’s a matter of respect. Gawain mo lang ako basurahan dito, p*****-***. At akala nila nagbibiro ako. Sabi ko sa kanila isauli ko yan pag hindi tayo nagkaintindihan I will declare war. Akala naman siguro nitong, of course sa media, hambog ba, hubris. Hindi ba nila ako kilala?”, ani Duterte.
Tulad ng naunang sinabi, iginiit ng presidente na kung hindi kinuha ng Canada ang kanilang mga basura ay itatapon niya ang mga ito sa katubigan ng North American country.
Sakaling arestuhin anya ang kanyang mga sundalo sa pagtapon ng basura sa karagatan ng Canada ay doon pa lang mangyayari ang giyera na ayon sa pangulo ay hindi naintindihan ng marami.
“Whether you like it or not, you have to accept your garbage because I’m going to send it to you and I will just discharge it in your water, Arestuhin ninyo sundalo ko? Giyera tayo. Yan ang ibig kong sabihin, hindi nila nakuha,” dagdag ng pangulo.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na pagpapahayag lamang ng inis sa isyu ng basura ang bantang giyera ng pangulo.
Noong nakaraang linggo ay ibinalik na ng Pilipinas ang 69 containers ng basura sa Canada.