Suspendido na bukas ang mga klase sa lahat ng antas sa mga probinsya ng Laguna, Muntinglupa, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, at Cavite habang mula pre-school hanggang high school naman sa Batangas, Marinduque, Romblon, at Calamian group of Islands.
Samantala, awtomatikong suspendido na ang klase simula sa pre-school at kindergarten sa Metro Manila, Bataan, Southern Zambales, Bulacan, Laguna, Rizal, Quezon, at Northern Palawan kasama ang Cuyo Island dahil nasa ilalim ang mga naturang lugar sa Signal Number 1.
Una nang naglabas ang Department of Education ng guidelines para sa pagkakansela ng mga klase kapag may bagyo.
Sa ilalim ng guideline, ang mga klase sa pre-school ay awtomatikong suspendido sa mga lugar na nasa ilalim ng Storm Signal Number 1 habang ang mga klase naman sa kindergarten, elementary at high school levels ay awtomatikong suspendido sa mga lugar na nasa ilalim ng Storm Signal Number 2.
Dagdag pa dito, ang mga lugar na nasa ilalim ng Storm Signal Number 3 ay dapat magsuspinde ng klase sa lahat ng antas.
Ngunit ayon sa DepEd, nasa kapangyarihan ng mga local government unit na magdeklara ng suspensyon ng klase sa kanilang lugar kahit wala pang itinataas na storm signal ang PAGASA.