Magugunitang inilabas ng Food and Drug Administration (FDA) ang listahan ng limang synthetic vinegar na ayon sa ahensya ay substandard at hindi dapat ibenta sa publiko.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, kung hindi lahat ng ingredients ay inilagay sa packaging ng isang produkto ay may criminal liability ito sa ilalim ng consumer act.
“Kung hindi siya truthful, hindi niya nilagay lahat kung ano ‘yung mga ingredients na nandoon, o kung may ingredient na hindi totoo na nakalagay doon, may criminal liability yan under the consumer act,” ani Castelo.
Nauna nang sinabi ng FDA na hindi mapanganib sa kalusugan ang synthetic vinegar ngunit ang mga ito ay substandard.
Samantala, hindi kontento ang grupong Laban Konsyumer sa inilabas na listahan ng FDA dahil nauna nang lumabas sa pagsusuri ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na 15 brands ng suka ay gumagamit ng synthetic acetic acid.
Giit ni Atty. Vic Dimagiba, dapat ding ilabas ang 15 brands ng synthetic vinegar dahil substandard din ang mga ito tulad ng limang brands na inilabas ng FDA.
Nauna nang sinabi ng PNRI na hindi nila pwedeng pangalanan ang brands dahil hindi sila pinapayagan ng batas.
Sa panig naman ng FDA, iginiit ng ahensya na ang uri ng test na kanilang isinagawa ay iba sa PNRI.
Giit ng FDA, maaari rin naman ilabas ng PNRI ang listahan nito ng 15 brands ng suka para sa impormasyon ng publiko.