Nasawi ang hepe ng pulisya sa Cagayan de Oro City matapos maaksidente sa motorsiklo sa gitna ng training.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesman Col. Bernard Banac, namatay si Cagayan de Oro City Police Office director Col. Nelson Aganon dahil sa “serious injuries” na natamo nito habang nasa isang pagsasanay.
“The PNP high command mourns the passing of Police Colonel Nelson Aganon who succumbed to serious injuries suffered during training,” ani Banac.
Malaki anyang kawalan sa PNP si Aganon partikular sa CDO-CPO na kanyang pinamunuan bilang huling command assignment.
Sinabi ni Banac na namatay si Aganon habang naka-duty at habang ginagampanan ang tungkulin sa “personal capability enhancement and skills development.”
Samantala, kinumpirma ni Cagayan de Oro Mayor Oscar Moreno na namatay si Aganon sa isang motorcycle accident habang nasa gitna ng police training.
“Although we were advised about the severity of the damage he has suffered as a result of the motorcycle incident he endured, we were still hopeful that he would soon recover. But the news of his passing has dashed those hopes,” pahayag ni Moreno sa kanyang Facebook post.
Tiniyak naman ng PNP na ibibigay sa pamilya ni Aganon ang lahat ng benepisyo bilang opisyal ng pulisya.