Napuno ng tawanan at biruan ang huling sesyon ng Senado para sa 17th Congress, araw ng Martes makaraang pormal na magpaalam ang anim na outgoing senators.
Binigyang pugay ng Senado ang anim na senador dahil sa kanilang mga kontribusyon sa kapulungan sa pamamagitan ng kanilang mga inihaing batas.
Nagbigay ng valedictory speech sina senators Bam Aquino, Loren Legarda, Francis Escudero, Gregorio Honasan, JV Ejercito maliban kay Antonio Trillanes na nakaliban.
Pinasalamatan ni Honasan ang kanyang mga kasamahan at ang Senate staff dahil sa mabuting pakikipag-ugnayan ng mga ito sa kanyang 21 taon sa Mataas na Kapulungan.
Mamimiss anya ng mga senador ang kanyang nakakabinging katahimikan.
Para kay Ejercito, naniniwala siyang natupad niya ang kanyang madato at nakuha ang tiwala ng publiko sa kanyang unang termino bilang senador.
Nagpasalamat din si Ejercito kina Senadora Grace Poe na sumuporta sa kanya at sa pag-aalaga ni Senadora Cynthia Villar na ang tawag nila ay Mama Bear.
Nalulungkot naman si Sen. Escudero dahil iiwanan niya na ang Kongreso na naging kanyang tahanan sa loob ng 21 taon.
Si Escudero ay ang incoming governor ng Sorsogon.
Para naman kay Sen. Bam Aquino, umaasa siyang hindi maililibing ang kanyang mga naging kontribusyon sa Senado kahit mawala sa serbisyo publiko o sa mundo.
Umaasa si Aquino na palaging ikokonsidera ng mga kasamahan ang kalagayan ng mga mamamayan sa paggawa ng mga batas.
Mahaba naman ang naging valedictory speech ni Sen. Loren Legarda na ibinida ang kanyang accomplishments sa tatlong termino sa Senado.
Naniniwala si Legarda na ang kanyang dalawang dekadang paninilbihan bilang senador ay naghanda sa kanya para maging mabisang kongresista sa Antique.