Mga matunog sa House Speakership ikinumpara kay Speaker GMA

Tahasang sinabi ng isang political analyst na hindi magiging magaling na lider ng Kamara kung si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang iuupo na House Speaker.

Ikinumpara ni UP Professor at political analyst Ranjit Rye si Velasco kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Hindi man anya ito abogado ay malawak naman ang karanasan sa legislation dahil naging Pangulo, Vice President at Senador ito.

Pero sinabi ng propesor na kung si Velasco ang papalit kay GMA ay magiging kaawa-awa umano ang Kamara dahil wala umano sa kanya ang kwalipikasyon ng magaling na lider.

Sinabi pa ni Rye na apat na katangian ang hinahanap sa isang Speaker, ito ay competency o may mastery of the rules, karanasan, kredibilidad, at iginagalang ito sa lahat ng sektor na anya ay pawang wala umano kay Velasco.

Kung si Leyte. Rep Martin Romualdez naman umano ang maihalal na House Speaker, bagamat may experience ito bilang mambabatas ay mayroon naman umano itong “highly controversial background” dahil sa kanyang pagiging malapit na kamag-anak ng mga Marcos.

Ani Rye, kapwa financial strength at connection sa business group ang nakikita niyang kuwalipikasyon nina Romualdez at Velasco subalit hindi ito ang dapat na maging sukatan sa pagpili ng susunod na Speaker kundi nakatuon dapat sa apat na criteria at values.

Kumpara kina Romualdez, Velasco at Taguig Rep.-elect Alan Peter Cayetano na syang matunog na tatakbo bilang House Speaker, mas pabor ang political analyst kay Cayetano dahil batay sa karanasan nito ay respetado ito sa lahat ng sektor sa loob at labas ng bansa na mahalaga umano sa isang lider.

Una nang inuugnay si Velasco sa umanoy vote buying para sa Speakership matapos ibunyag ni dating Speaker Pantaleon Alvarez na may suhulan umano ng hanggang P1 milyon sa bawat mambabatas kapalit ng boto at ang kaanak ni Velasco na si San Miguel Corporation President Ramon Ang ang umanoy financier nito.

Ibinabato rin kay Velasco ang umanoy pag-iba nito ng ikinampanya at sinuportahan noong 2016 na si Sen. Grace Poe at hindi si Pangulong Rodrigo Duterte. Si Poe rin ang number one sa balwarte nitong Marinduque sa nakaraang May 13, 2019 elections.

 

Read more...