Babantayan din ng Department of Education (DepEd) ang mga pagkain na itinitinda sa mga school canteens sa rehiyon ng Calabarzon.
Aalamin ng kagawaran kung sumusunod ang mga ito sa kanilang kautusan na pawang mga “healthy food and beverages” ang iniaalok sa mga mag-aaral kasunod ng pagbubukas ng klase ngayong lunes, June 3.
Ayon kay DepEd Region IV-A nutritionist and dietician Neil Evangelista, nagpakalat na sila ng monitoring team para maglibot sa ibat-ibang paaralan sa Calabarzon.
Bukod sa mga pagkain, aalamin din ang “food safety protocols” at sinumang lalabag ay agad na papatawan ng kaukulang parusa.
Kamakailan, pinangunahan ng Department of Health (DOH) Region IV-A ang isang workshop para sa tamang pagkain at nutrisyon ng mga kabataan na dinaluhan ng mga school canteen cook at managers.
Sa ilalim ng Department order 13 o Policy and Guidelines on Healthy Food and Beverage Choices in Schools, inaatasan nito ang mga paaralan na kailangan na magkaroon ng tamang pagkain at inumin para sa mga mag-aaral maging sa mga guro.