Kontrobersiyang kinasangkutan ni Erwin Tulfo kay Sec. Bautista ng DSWD, ‘factor’ sa pagtanggal ng security detail ng Tulfo Brothers

Inamin ng Philippine National Police (PNP) na isa sa dahilan sa pagbawi ng security detail ng Tulfo Brothers ang kontrobersiyang kinasangkutan ni Erwin Tulfo kamakailan.

Paliwanag ni PNP Chief, Police General Oscar Albayalde, ang pangunahing dahilan sa pagbawi ng security detail sa magkakapatid na tulfo ay bahagi ito ng normal na proseso.

Lahat aniya ng pinagkakalooban ng security detail mula sa PNP ay subject sa review para matukoy kung kailangan pa bang manatili sa kanila ang police escorts o hindi na.

Pero sinabi ni Albayalde na bagaman hindi pangunahing dahilan ang kontrobersyal na mga pahayag ni Erwin Tulfo laban kay Social Welfare and Development Sec. Rolando Bautista ay ‘factor’ aniya ang ‘behavior’ ng isang tao para bawian ito o ireview ang pagkakaroon niya ng security detail.

Ipinaliwanag ni Albayalde na ang pagkakaroon ng security detail ay isang pribilehiyo at hindi karapatan.

Maari aniya itong bawiin anumang oras lalo na kung may sapat na dahilan.

Ang magkakapatid na Tulfo ay napagkalooban ng security detail ng PNP matapos mapatunayan noon na may banta sa kanilang seguridad.

Read more...