DOLE, nagpaalala sa employers sa holiday pay rules para sa Eidl Fitr

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment sa mga pribadong employers na sumunod sa holiday pay rules.

Ito ay alinsunod sa paggunita sa Eidl Fitr sa June 5 na isang regular holiday.

Sa ilalim ng advisory na inilabas ni Labor Sec. Silvestre Bello III, dapat na mabayaran ng mga employers ang kanilang mga manggagawa ng 200 percent ng kanilang sweldo para sa unang walong oras nilang trabaho.

Habang ang trabaho namang sumobra sa walong oras ay kinakailangang bayaran ng dagdag na 30 percent kada oras ng trabaho.

Ipinaalala rin ng kagawaran na kung ang manggagawa ay hindi nagtrabaho sa araw ng holiday ay makatatanggap pa rin siya ng buong sahod sa naturang araw.

Samantala, kapag ang empleyado naman ay nagtrabaho pa rin kahit na araw ng pahinga at holiday, kailangan siyang mabayaran ng dagdag na 30 percent ng kanyang 200 percent daily rate.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 729, series of 2019 na nagdedeklara sa Feast of Ramadhan o Eid’l Fitr sa June 5 bilang isang regular holiday sa buong bansa.

Samantala, ganitong pay rules din ang dapat sundin sa June 12, Independence Day na isa ring regular holiday.

Read more...