Nasa halos isang milyong residente ng Bicol region at Eastern Visayas ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tirahan sanhi ng pagragasa ng bagyong ‘Nona’ kahapon.
Sa pinakahuling tala ng NDRRMC, nasa 724, 839 katao ang in-evacuate bago pa tumama ang bagyo.
Pinakamaraming inilikas ay mula sa lalawigan ng Albay.
Unang tumama sa lupa ang bagyo sa Northern Samar na nagresulta sa pagkawala ng serbisyo ng kuryente sa maraming lugar at pagtumba ng maraming punongkahoy.
Muli namang nag-landfall ang bagyo sa Sorsogon dakong alas 4:00 ng hapon kahapon.
Sa Sorsogon, iniulat ang kawalan ng kuryente sa buong lalawigan, kasama na ang Masbate Catanduanes at ilang bahagi ng Albay at Camarines Norte.
Sa 11 PM update ng PAGASA, nasa Sibuyan sea ang bagyo matapos tawirin ang Burias island.
Nasa 46 na byahe na ng eroplano ang naapektuhan sanhi ng bagyong ‘Nona’.
Nasa walong libo naman ang stranded sa iba’t-ibang pantalan matapos ipahinto ng Coast Guard ang byahe ng mga barko dahil sa masungit na panahon.