Namfrel nanawagan sa Comelec na huwag nang gamitin ang Smartmatic

Hinimok ng National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) ang Commission on Elections (Comelec) na huwag nang gamitin ang Smartmatic sa susunod na halalan.

Ang pahayag ng election watchdog ay tila pagsegunda sa rekomendasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes.

Nauna nang inatasan ng presidente ang poll body na humanap ng bagong provider na anya ay ‘fraud-free’.

Sa isang pahayag araw ng Biyernes, sinabi ng Namfrel na hindi kailangan ng bansa ang serbisyo ng isang foreign company tulad ng Smartmatic.

Dapat umanong ipaubaya sa kamay ng mga Filipino ang pagdaraos ng eleksyon sa bansa.

“The conduct of Philippine elections, automated or not, should be left at the hands of Filipinos,” ayon sa Namfrel.

Nanawagan ang Namfrel na gawing hybrid manual-automated ang sistema ng halalan sa bansa.

Panahon na umano para magamit ng Pilipinas ang galing ng IT professionals nito para sa eleksyon.

Magugunitang maraming kinaharap na aberya ang May 13 elections kung saan pumalya ang SD cards at vote counting machines at nabalam ang transmission ng election results mula sa transparency server.

 

Read more...