Sugatan ang anim na katao kabilang ang dalawang pulis nang magkaroon ng misencounter sa Barangay Puerto, Cagayan De Oro City.
Ayon sa Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) ang mga nasugatan ay nakilalang sina Jaymar Canencia, 29; Mary Ann Ordaña, 27. Darlene Vim Eduave, 12; Enelita Salina, 45; Police Master Sergeant Jose Ryan Sevilleno, na nakatalaga sa COCPO; at Police Staff Sergeant Arman Tagolimot, na nakatalaga naman sa Misamis Oriental Provincial Police Office.
Pawang ligtas naman na sa kapahamakan ang mga nasugatang indbidwal.
Ayon kay Lt. Col. Mardy Hortillosa, COCPO spokesperson, nagsasagawa ng surveillance ang kanilang mga tauhan laban sa isang Jojo Rosales na wanted sa kasong murder, sa Purok 6, Barangay Puerto.
Pero maaring natunugan umano ni Rosales na sinunsundan siya ng mga pulis dahilan para bumunot ito ng baril at pinaputukan si Tagolimot.
Pero nagmintis si Rosales kaya nagawang maganti ng putok ng pulis.
Sakto namang nasa lugar di si Sevilleno at napagkamalang si Tagolimot ay armadong suspek kaya pinaputukan niya ito.
Ang apat pang sugatan ay pawang sibilyan naman na nadamay sa barilan.
Ayon kay Lt. Col. Reynante Reyes, officer-in-charge sa Cagayan De Oro City police, iniimbestigahan na nila ang insidente at tinutulungan ang mga nasugatang sibilyan.