Suhestyon ni Pangulong Duterte na bitawan na ang Smartmatic, pag-aaralan ng Comelec

Pag-aaralan ng Comelec na itigil na ang pagkuha sa Smartmatic para sa gagamiting sistema sa susunod na halalan.

Sa isang presscon sa Maynila, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez, kailangan muna nila ng ligal na basehan para pagbawalan ang sinumang supplier sa halalan gaya ng Smartmatic.

Sinabi ni Jimenez na wala silang ideya nang magsalita ang pangulo sa Japan patungkol sa halalan pero naka-monitor naman anya sila sa mga pahayag ng presidente.

Hindi anya maaring basta isantabi ang pahayag ng pangulo.

Sinabi ni Jimenez na kung sa tingin ng pangulo ay ito ang magandang solusyon sa halalan, isa ito sa magiging konsiderasyon ng Comelec.

Binigyang diin ni Jimenez ang naunang pag-amin ni Comelec Chairman Sheriff Abbas na nagkaroon nga ng aberya sa halalan pero wala anilang nangyaring anomalya dito at walang naging maling pagbibilang ng mga boto kaya wala ring maling proclamation ng mga nanalong kandidato.

Sa ngayon, tapos narin naman aniya ang kontrata ng Comelec sa Smartmatic.

Naniniwala si Jimenez na hindi naman inaayawan ng pangulo ang automated elections kundi ayaw lang anya nito sa ginagamit na supplier sa halalan.

Read more...