Jacky Co, 16 na iba pa kinasuhan ng PDEA kaugnay sa smuggling ng P1.8B na halaga ng shabu

Isinampa na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kaso laban sa Chinese national na si Xu Zhi Jian alyas Jacky Co at labinganim na iba na sangkot sa umano’y pagpupuslit ng P1.8 billion na halaga ng shabu.

Si Co ay unang binanggit ni Senator Panfilo Lacson na siyang nasa likod ng pagpasok sa bansa ng 276 kilograms ng shabu na nasabat sa Manila International Container Port (MICP) noong March 22.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, isinampa ang reklamong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act laban kay Co at iba pa sa Department of Justice (DOJ).

Sinabi ng PDEA na ito ay matapos ang backtracking investigation ng PDEA laban kina Co.

Base sa reklamong inihain ng PDEA nais nitong managot ang grupo ni Co sa kasong may kaugnayan sa importation ng illegal drugs.

Read more...