Suspek sa pagpatay sa babaeng Grab driver, dumipensa ng ‘self defense’

FB photo

Dumipensa ang suspek sa pagpatay sa babaeng Grab driver na self-defense lamang kaya niya nagawa ang krimen.

Matapos maaresto Miyerkules ng gabi sa Pasig City, sinabi ni Paolo Largado na ipinagtanggol lang nito ang kanyang sarili kaya niya napatay si Maria Cristina Palanca.

Paliwanag ng suspek, pinagbantaan siya ni Palanca matapos na hindi siya nakabayad sa utang mula sa anyay iligal nilang gawain.

Dagdag ni Largado, pinuntahan siya ng driver sa kanyang condo unit sa Cainta, Rizal at tinutukan umano siya ng baril kaya inunahan na niya ito.

Itinago ng suspek ang katawan ng biktima sa lababo sa kanyang unit dahil hindi niya alam ang kanyang gagawin.

Tumakas si Largado, isinangla sa Quezon ang sasakyan ni Palanca at nagtago ito sa isang motel sa Pasig kung saan siya naaresto.

Nang maaresto ay nakuhanan si Largado ng isang sachet ng shabu at umamin ito na gumagamit siya ng droga.

Nabatid na una nang may kinakaharap na kasong violence against women and children ang suspek.

Ikinakasa na ang mga kasong homicide, carnapping at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kay Largado.

 

 

Read more...