Pinsala sa agrikultura ng El Niño umabot na sa P7.97B

Patuloy ang paglobo ng pinsala sa agrikultura ng umiiral na El Niño phenomenon sa bansa.

Sa press briefing sa Malacañang araw ng Miyerkules (May 29), inanunsyo ni Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan na umabot na sa P7.97 bilyon ang pinsala sa agrikultura.

Pinakaapektadong mga pananim ay palay at mais.

Sinabi ni Cayanan na nakaapekto na ang tagtuyot sa 277,888 ektarya ng lupang pansakahan at sa 247,618 na magsasaka.

Aabot sa P4.04 bilyon ang nawalang kita dahil sa pinsala sa palay at P3.89 bilyon naman sa mais.

Ang pinsala sa high-value crops ay umabot na sa P27.8 milyon habang P12.4 milyon naman sa pangisdaan.

Ayon kay Cayanan, nakapagtabi na ang kagawaran ng P95.875 milyong piso para ayudahan ang mga apektadong magsasaka sa ilalim ng Survival and Recovery Assistance (SURE) program.

Sa kabila ng pinsala ng El Niño, sinabi naman ni National Economic and Development Authority Undersecretary Adoracion Navarro na positibo pa rin na ang gobyerno na maaabot ang economic growth target ngayong taon.

 

 

Read more...