Lalaking nagmaneho na maraming paglabag, no show sa DOTr; lisensya tatanggalin

Screengrab from DOTr FB video

Hindi sumipot sa tanggapan ng Department of Transportation (DOTr) ang lalaki na nasa viral video habang nagmamaneho sa passenger seat ng sasakyan.

Naglabas ang DOTr ng subpoena para kay Miko Lopez para magpakita ito sa ahensya araw ng Miyerkules alas 3:00 ng hapon pero hindi ito dumating.

Dahil dito, tatanggalan na ng DOTr ng lisensya si Lopez.

Ayon sa ahensya, diskwalipikado na rin si Lopez na muling mag-apply ng driver’s license.

Sa video na si Lopez mismo ang nag-upload, mapapanood itong nagmamaneho ng kotse pero imbes na sa driver’s seat ay sa upuan ito ng pasahero nakaupo.

Maririnig pa sa video na sinabi ni Lopez na lahat ng bawal ay kanyang ginagawa.

Ilang beses din itong bumusina sa mga sasakyan na nasa unahan ng kanyang kotse at tumatawang naninigarilyo habang nagmamaneho.

Nahaharap si Lopez sa mga kasong reckless driving, hindi pagsusuot ng seatbelt at improper person to operate a motor vehicle.

May isa pang video kung saan mapapanood na tinanggal ni Lopez ang manibela ng minaneho nitong kotse kaya kakasuhan din ito ng illegal modification.

Una nang nanawagan ang DOTr sa publiko ukol sa mga impormasyon kay Lopez.

Iginiit pa ng ahensya na titiyakin nilang hindi na ito muling makakuha ng lisensya sabay payo sa netizens na huwag tularan si Lopez.

Read more...