Kinondena ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mass stabbing sa Kawasaki, Japan na ikinamatay ng tatlong katao kabilang ang lalaking suspek at ikinasugat naman ng 17 iba pa.
Sa isang pahayag ay sinabi ng Pangulo na nagulat siya at naghinagpis sa pangyayari.
Ikinagalit din ni Duterte ang brutal na pagpatay sa mga inosenteng bata.
“I express my profound shock and grief over the mass stabbing incident which regretfully happened in Kawasaki. I am outraged by this brutal attack against innocent young children,” pahayag ng Pangulo.
Isang lalaki ang nanaksak sa isang himpilan ng school bus sa syudad ng Kawasaki.
Pagkatapos ay sinaksak din ng suspek ang kanyang sarili matapos nitong mapatay ang dalawang biktima at nasugatan ang hindi bababa sa 17 katao.
Kasabay nito ay nakiramay ang Pangulo sa mga biktima at pamilya ng mga nasawi.
“On behalf of the Filipino people, I extend my sincere prayers for the victims and our deepest sympathies to their families who need solace and strength in this difficult time,” ani Duterte.
Suportado anya ng gobyerno ng Pilipinas ang mga hakbang ng Japan para mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng naturang karahasan.
“We stand behind the Government of Japan as it endeavors to bring justice to the victims of this horrific act of violence,” dagdag ng Pangulo.
Nasa Japan ngayon ang Pangulo para sa working visit sa imbitasyon ni Prime Minister Shinzo Abe.