Apat na komite pinag-aagawan ng mga senador ayon kay Sotto

Inquirer file photo

Inamin na rin ni Senate President Vicente Sotto III na may ilang komite na nagbibigay sakit ng ulo sa kanila dahil sa interes ng ilang senador na pamunuan ang mga ito.

Ayon kay Sotto apat na komite na lang ang nagiging isyu sa agawan, ang Public Services, Justice, Education at Blue Ribbon.

Dagdag pa nito may mga mababakanteng komite naman na walang may interes at may mga komite na dalawa o tatlong senador ang interesadong pamunuan.

Muling iginiit ni Sotto ang ‘equity of the incumbent’ rule sa Senado sa pagpili ng magiging chairman ng komite.

Paliwanag niya, ang mga incumbent chairpersons ay mananatili sa kanilang posisyon maliban na lang kung sila ay magpaparaya.

Ito aniya ay para maipagpatuloy ng mga kasalukuyang chairperson ang kanilang mga nasimulan sa komite.

Sinabi pa ni Sotto na kung hindi mapa-plantsa o madadaan sa magandang usapan ang pamumuno sa mga komite, ang mayorya na ang mamimili kung sino sa kanilang palagay ang karapatdapat.

Samantala, sa isyu naman ukol sa kanyang posisyon bilang Senate President, sinabi ni Sotto na siya ay pinili ng kanyang mga kasamahan at maalis man siya sa puwesto at walang problema sa kanya.

Read more...