Sa isang pulong balitaan sa Tokyo, sinabi ni Ambassador Jose Laurel V na kinikilala ng Japan ang kahalagahan ng lokasyon ng Pilipinas para sa malayang paggalaw ng mga produkto sa rehiyon.
Ayon kay Laurel, ang unang bansa na mararating ng mga Japanese sa gawing Timog ay ang Pilipinas.
Dahil isang trading country anya ang Japan, kailangan nitong mapanatiling bukas ang shipping lanes.
Magugunitang hinaharap ngayon ng Pilipinas ang isyu sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.
Iginiit ni Laurel na hindi rin gaanong maganda ang relasyon ng Japan sa ibang bansa tulad ng North Korea sa Hilaga, Russia sa Hilagang-Silangan at China sa Kanluran.
Dahil kaalyado ang Japan ay malaki ang inaasahan nito sa Pilipinas.
Ani Laurel tutulong ang Japan sa pangangailangang panseguridad ng Pilipinas at magbibigay ito ng 10 coast guard ships at iba pang defense assets.