Lorenzana: Walang credible ouster plot laban kay Pangulong Duterte

Naniniwala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang kapani-paniwalang ouster plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang panayam araw ng Martes, sinabi ng kalihim na bagama’t may nagsasabing may planong pagpapatalsik sa pangulo ay wala naman silang nararamdaman batay sa kanilang intelligence operations.

“Some people say there are (ouster plots). We have intelligence people going around. Meron tayong ongoing operations. Wala naman kaming nararamdaman,” ani Lorenzana.

Iginiit ni Lorenzana na kung may nagpaplano, dapat itong magrecruit ng maraming tao kabilang ang militar at pulisya at maging mga opisyal ng gobyerno.

Ang pahayag ng kalihim ay sa gitna ng iginigiit ng Palasyo ng Malacañang na may grupo ng mga abugado, mamamahayag at news organizations na nais pabagsakin si Duterte.

Ginawan pa ng matrix ang ouster plot na tinutukoy ng Malacañang.

Ayon kay Lorenzana, posibleng may impormasyon ang Palasyo sa maliliit na grupo na may ouster plot ngunit hindi nito kaya magpatalsik ng gobyerno dahil kailangan pang kumuha ng tao mula sa militar at pulisya.

Samantala, sinabi ng kalihim na hindi sila kinonsulta sa matrix na inilabas ng Malacañang.

“We did not have prior information to that. Hindi ko nga yan nakita except yung pinakapaliwanag ni Sec. (Sal) Panelo,” ani Lorenzana.

 

 

 

Read more...