Ma Ling kasama sa ban sa meat products dahil sa African swine fever

Kabilang ang processed pork meat product na Ma Ling sa temporary ban sa mga karneng baboy dahil sa African swine fever.

Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), sakop na ng ban ang 16 na bansa.

Ipinagbabawal ang mga processed pork meat products mula Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia, Moldova at Belgium.

Noong September 2018, sakop lang ng ban ang pitong bansa, ang China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia at Ukraine.

Ayon kay FDA officer in charge Eric Domingo, layon ng hakbang na tiyakin na hindi makakaapekto ang virus sa bansa.

“I signed that order. It is a step taken to ensure the food security of our country and make that our livestock is not affected by the African swine fever,” pahayag ni Domingo sa INQUIRER.net sa pamamagitan ng text message.

Kinumpirma rin ni Domingo na ang sikat at patok sa publiko na pagkaing Ma Ling ay kasama sa ban.

“Yes [Ma Ling is covered by the ban]. The FDA regulatory board will go around and inspect. We also ask the public to report any sightings [of these banned products] to the FDA,” ani Domingo.

Paliwanag ng FDA, ang African swine fever ay “highly contagious” na sakit ng mga baboy, warthogs, European wild boar at American wild pigs.

Nagdudulot ito ng lagnat, walang ganang kumain, pagdurugo sa balat at internal organs at kamatayan sa apektadong hayop.

Ayon pa sa ahensya, bagamat hindi ikinukunsidera ang sakit na banta sa kalusugan ng tao, pwede itong mgaing dahilan ng economic loss sa bansa.

 

Read more...