Provincial bus ban ng MMDA sa EDSA ipinahihinto sa SC

Photo: Rep. Joey Salceda

Dumulog sa Korte Suprema si Albay Cong. Joey Salceda upang ipatigil ang plano ng MMDA na pagbawalan ang provincial bus na mag-terminal sa EDSA.

Inihain n Salceda sa Korte Suprema ang petition for prohibition and mandamus laban sa MMDA Regulation No. 19-002 Series of 2019 na nagpapawalang bisa sa mga business permit ng lahat ng provincial bus terminal at operators sa EDSA.

Inihirit ni Salceda sa SC ang pagpapalabas ng temporary restraining order para hindi matuloy ang utos ng MMDA.

Paliwanag ng mambabatas, dahil sa nasabing regulasyon, mapipilitan ang mga provincial bus terminal na magsara na makaaapekto sa libu-libong mga pasahero mula sa probinsya.

Ayon kay Salceda, nagkaroon ng pag-abuso sa kapangyarihan ang MMDA at nilalabag din nito ang prangkisa ng mga PUBs sa LTFRB nang ilabas ang kautusan.

Hindi rin anya nakonsulta dito ang mga apektadong stakeholders gaya ng mga ordinaryong commuters na maapektuhan nito.

Naniniwala si Salceda na anti-poor ang nasabing MMDA regulation at sa halip mas dapat anyang pagtuunan ng pansin ay ang mga sasakyan na kakaunti lamang ang sakay na dumadaan sa EDSA at hindi ang mga Provincial bus dahil hindi naman ito ang nag-dudulot ng matinding traffic sa EDSA.

Read more...